Libangan
March 22, 2009 by rppaustralia
May isang dakong nais kong marating… Napakaganda raw nu’n… masaya, masagana, at may kaganapang-loob.
Narinig ko noon, kakaunti lang daw ang nakakarating doon. Nandu’n kasi ito sa tuktok ng isang napakataas na bundok! Baku-baku ang daan, at pabalu-baluktot pa.
Gayunpaman, nais ko pa rin itong maabot upang makita at maranasan kung paano ang mabuhay roon. Buong buhay ko, sinubukan ko nang maglakbay patungo roon…
Hindi nga biro, talagang nakakapagod kapag ang biyahe’y paahon! Matagal ang biyahe dahil ang aking hinahangad maabot ay napakalayo pala! Hindi kayang abutin sa isang iglap lang.
KAPAG PANAHON NG TAG-ARAW, napakaalikabok ang daang ito! Kapag dumating naman ang tag-ulan, maputik! Talo pa ang bansang Pilipinas kung daanan ng bagyo, binabaha! Sa panahon ng taglamig, giniginaw rin ako ng husto! Nalaman ko tuloy, na tulad ng pag-akyat sa Bundok Apo, dapat sa paglalakbay na ito dapat ako’y handa physically, emotionally, psychologically, at spiritually.
BUTI NALANG MAY MGA NAKASABAY rin akong mga biyaherong ang sadya’y doon din sa tuktok na aking paroroonan! May mga nakilala akong mga kaibigang naging katuwang sa mga panahong napakaraming mga hamong dumarating! Kahit papaano’y naging masaya ang paglalakbay. o”,)
Hindi rin maiwasan, mayroon ding mga kaaway- at mas marami pa yata sila. Hindi ko naman sila kinakalaban ngunit ako’y kinakalaban nila. Gusto nila palaging sila ang nauuna. Bakit, papunta ba ito sa Bundok Everest? Kung sinong mauna, o kung sinong makarating sa tuktok ay siyang tanyag at may karangalan? Ang solusyon ko, pinauna ko sila. ‘Di bale nang ako’y mahuli, wala namang may galit sa akin at walang humihila sa akin pababa. Ayos lang, mararating ko rin itong aking paroroonan.
MABUTI RIN ITONG NAGLALAKBAY NG dahan-dahan lang. Ang mga magagandang bagay at kapaligirang dati’y hindi ko napapansin, ngayon ay natuklasan at napahalagahan ko na! Ang ganda pala!
May mga nakita akong iba’t-ibang uri ng mga ibon! Ang iBONG ITO halimbawa, wala namang mga bodega at hindi nag-iipon ng mga bungang-kahoy o di kaya’y butil subalit mukha naman silang masaya! o”,) Nabubuhay rin, dumadami…
Kapag dumating ang panahon ng tag-sibol, napakaganda ng nakikita ko sa aking dinadaanan. Halos nakalimutan kong ako pala’y naglalakbay ng paahon, papunta roon sa ‘lugar’ na aking pinapangarap! Napakamakulay kasi ng paligid! May mga paruparo, nagsusulputang mga usbong ng punong-kahoy; at sa gitna ng luntiang bukirin at kaparanga’y may iba’t-ibang uri ng bulaklak na kay gaganda! Kapag umihip ang malamig na hangin, naaamoy ko ang kanilang halimuyak! Huhmn! U
Nu’ng ako’y tumingala sa isang malaking puno ng eucalyptus, isang KOALA naman ang aking nakita!
Bigla naman akong nagulat dahil may lumulundag-lundag sa likod ko. Nang ako’y lumingon, isa palang KANGAROO! Akala ko pa nama’y isang prinsesang matagal ko na ring hinahanap!
Kapag napapagod sa aking paglalakbay, huminto rin ako. Kasama ng mga nakilalang kaibigan, nanghuhuli ng mga isda’t ALIMANGO! Ang sarap ng pakiramdam kapag makapagpahinga at makapaglibang!
Napapag-usapan na rin ang libangan… hindi ko namalayan nag-isang taon na pala itong Aking Libangan!
Mahirap ang biyahe, maraming pagsubok at mga hamon… pero tuloy pa rin ang paglalakad- paakyat upang malasahan ang sarap at saya, pati na rin ang kapalagayang-loob na hatid ng Bundok Tagum-pie!
—————–
HOLIDAY UPDATE:
13 days nalang, flight ko na pauwi ng Pilipinas! See you, guys! (,”o




Tila ba na dinadala ka sa ibang lupain ng mga sulatin ng may akda nito. Napakarami mong malalaman at mapagmumuni muni. Malalim magisip at malawak ang kaalaman sa mundong ginagalawan. Ipagpatuloy mo ang hilig mo sa pagsulat at ikaw ay aking hinahangaan hehehe.
salamat,
kate
KATE
Ang bilis mong makarating dito ah! U
Natuwa akong narating mo pala ang ibang lupain dahil sa isinulat kong ito. Masarap isiping sa simpleng Libangan kong ito’y may mga taoi pala akong napapahanga! Salamat. o”,)
Hi Doc Ruel, ito ang una kong beses na mag-iwan ng comment sa iyong blog (yey!)…
May isa akong tanung, sa anong bahagi ng iyong paglalakbay ang nagustuhan mo, yung habang naglalakbay ka ba o yung narating mo na ang tuktok?
ROMA
Roma, maraming salamat sa pag-iwan mo ng bakas dito. Masyado lang akong abala noong araw na nag-comment ka rito kasi nasa Cotabato ako that time. Heto ang sagot sa tanong mo:
Sa totoo lang, ang pinakagusto kong bahagi ng aking paglalakbay ay ang simula. ‘Yong simula ng aking paglalakbay… Kung saan punong-puno pa ako ng pag-asa, ng magandang mga pangarap/panaginip, ‘yong punung-puno pa ako ng lakas na simulan ang aking paglalakbay. Nandun ang excitement, para sa akin. Masyado aksi akong optimistic sa mga sinisimulan kong paglalakbay.