Mga Hula at Pampaswerte
December 31, 2008 by rppaustralia
LABINTATLONG MGA MANOK ang ipinaplano kong katayin at sabay-sabay na lilitsunin ngayong araw para maihanda sa pagsalubong sa bagong taong 2009- ang Taon ng Torong Baka!
Siguro nama’y sa labintatlong buong mga manok na aming pagsasalu-saluhan ay sobra-sobrang swerte na ang darating ngayong 2009 kaysa SA MGA NANGYARI SA AKIN NOONG TAONG 2008.
Ang kainan at kasiyahang magaganap ay idadaos kina John doon sa Dublin, hindi sa Ireland kundi sa isang maliit na bayan dito sa South Australia na siguro’y 39 kilometro ang layo mula rito sa manukang aking pinagtatrabahuan at tinitirhan. Mga kalahating oras din itong tatakbuhin ng sasakyan, pero hanggang ngayo’y narito pa rin ako sa loob ng aking caravan habang hinihintay kong lumamig ang panahon para maibalik ko na sa normal ang bentilasyon ng bahay-manok mula sa cooling mode nito. Tama ang iyong nabasa, naka-cooling kami ngayon sa loob ng chicken shed dahil uminit ngayong araw! Whew!
NOONG PASKO naging 36.6′C ang aktwal na temperatura samantalang ayon sa hula ng Australian Bureau of Meteorology (ABM) ay 22′C lamang ang pinakamataas na temperatura noong araw na ‘yon… NGAYONG ARAW naman ay umabot ng 29′C, apat na antas ng centigrado ang itinaas mula sa orihinal na hulang 25′C lamang.
25 DECEMBER 2008 - 36.6′C actual - 22.0′C maximun temperature forecast
31 DECEMBER 2008 - 29.0′C actual - 25.0′C maximum temperature forecast
Hindi tumugma ang mga hula ng mga pantas ng ABM sa naging aktwal na lagay ng panahon noong Pasko at ngayong araw. Ngayong mga panahong napakaraming manghuhulang naglalabas ng kani-kanilang mga hula para sa taong 2009, sana’y tama akong HiNDI na maniwala sa mga ito.
